BUTUAN CITY – May mga naitala ng danyos sa mga kalsada at gusali ang yumanig na 7.6 magnitude na lindol kahapon ng alas-5:10 ng hapon, oras sa Pilipinas doon sa Ishikawa Prefecture sa western Japan.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, direkta mula sa Osaka Prefecture, inihayag ni Bombo Samurai correspondent Lea Bartiquin na may mga sasakyan na ring inabandona dahil sa mga bitak sa kalsada na nakitang delikado lalo na’t patuloy ang mga malalakas na aftershocks na nagaganap sa bawat-20 hanggang sa 30 minutos.
Samantala, tinatayang aabot naman sa mahigit isang milyong katao, na nasa coastal areas o kaya’y mga mababang mga lugar sa Ishikawa Prefecture ang nailikas na matapos magpalabas ng tsunami warning ang pamahalaan.
Maliban dito’y may malaking sunog rin ang naitala sa epicenter ng lindol na hindi kaagad narespondihan matapos na unang inabandona ng mga residente.