-- Advertisements --
bar examinees SC 1

Inihayag ng Supreme Court (SC), na mayroong kabuuang 10,816 law graduates ang kukuha ng Bar examinations ngayong taon na itinakda ngayong buwan.

Sinabi ng Public Information Office (PIO) ng SC, sa kabuuan, 5,832 ang kukuha ng Bar sa unang pagkakataon habang 4,984 ang kukuha ng pagsusulit sa pangalawang pagkakataon.

Sinabi ng SC PIO na kabilang sa bilang na ito ang mga court officials; mga hukom; mga tauhan mula sa SC, Court of Appeals, Sandiganbayan, Court of Tax Appeals, first-level at second-level courts; at mga abogado sa gobyerno at pribado.

Ang Bar examinations ay nakatakdang isagawa ngayong araw at sa ika-20 at ika-24 ng Setyembre. Ito ang unang pagkakataon na ang Bar examinations ay gaganapin lamang ng tatlong araw mula sa karaniwang apat na araw na iskedyul nito.

Ang exams ay hahatiin sa six core subjects na ipamamahagi sa loob ng tatlong araw. Dalawang subjects ang kukunin bawat araw — isa sa umaga at isa sa hapon.

Napili naman ang San Beda College-Alabang bilang national headquarters para sa 2023 Bar examinations, kung saan ang SC ang mangangasiwa sa mga operasyon ng iba pang local testing centers.

Sa 14 na testing sites sa buong bansa, anim ang nasa Metro Manila, tig-tatlo sa Luzon at Visayas at dalawa sa Mindanao.