-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Dagsa sa ngayon ang maraming mga pasahero sa Matnog port na naghahabol na makauwi sa kanilang mga lalawigan para sa may 9 local and national elections.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Achilles Gallindes ang Acting Division Manager ng Matnog Port, sa ngayon nasa 10,000 na mga pasahero na ang nakapila papunta sa pantalan na doble sa 5,000 na bilang ng mga biyahero sa normal na araw.

Karamihan umano sa mga ito ay mula pa sa National Capital Region na papuntang Visayas at Mindanao.

Subalit aminado ang opisyal na hindi na tiyak sa ngayon kung makakabiyahe pa ang mga pasaherong darating pa lamang bukas lalo pa at mahaba na ang pila.

Nagpalabas na rin ng abiso ang Matnog port sa mga nagpaplano pa lamang ngayon na bumiyahe papunta sa pantalan na huwag na lang magpumilit dahil dadagdag lamang sa mahabang pila ng mga pasahero.