Nasa mahigit 10 milyon na mga Ukrainians na ang iniwan ang kani-kanilang mga tahanan para umalis sa bansa simula nang lusubin ito ng Russia.
Ayon kay UN Humanitarian Affairs Deputy Emergency Coordinator Joyce Msuya, mahigit sa kalahati ng populasyong ito ay pawang mga kabataan.
Aabot sa 6.5 milyon sa mga ito ang internally displaced habang nasa 3.9 million naman ang nakatawid na sa mga borders patungo sa karatig na bansa nito.
Iniulat din ni Msuya na patuloy din ang pagtaas ng humanitarian aid sa lugar araw-araw.
Sa katunayan ay nasa mahigit 1,230 daw na United Nations personnel ang kasalukuyang nasa Ukraine habang nasa mahigit 100 humanitarian organizations naman mula sa buong bansa ang nagtutulong-tulong para sa humanitarian aid dito.
Noong Marso 18, ay naipadala ng UN convoy ang nasa 130 tons ng mga medical supplies, tubig, ready-to-eat meals, at iba pa, para sa 35,000 katao.
Habang noong Lunes naman ay nakarating na rin ang UN convoy sa Kharkiv upang magpaabot din ng pagkain, at iba pang essential relief items na ipinamamahagi naman ng Ukraine Red Cross.
Samantala, aminado naman si Msuya na kinakailangan nila ng isang detalyado at makatotohanang kasunduan sa humanitarian ceasefires upang maipagpatuloy nila ang pag-aabot ng tulong para sa mga taong naaapektuhan ng digmaan sa pagitan ng dalawang bansa.
-- Advertisements --