LEGAZPI CITY – Aabot sa mahigit 100 mga bangka ang makikisabay sa ikalawang civilian mission ng Atin Ito Coalition papunta sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea ngayong Mayo 15.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Edicio Dela Torre ang Co-Convenor ng Atin Ito Coalition, apat na mother ship ang makikisabay sa biyahe papunta sa pinag-aagawang teritoryo kasama ang 100 bangka ng mga mangingisdang Pilipino.
Misyon ng grupo na maglagay ng mga boya sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas na may mensahe na nagsasabing sa atin ang West Philippine Sea.
Magdadala rin ang kuwalisyon ng petrolyo, mga pagkain at inumin para sa mga mangingisdang nanghuhuli ng isda sa nasabing parte ng karagatan.
Aminado si Dela Torre na may pangamba lalo na sa posibleng maging reaksyon ng China sakaling makita ang kanilang convoy, subalit itutuloy pa rin ang pagbiyahe.
Layunin umano ng misyon na maipakita ang pagkakaisa ng mga Pilipino na nakahanda na ipaglaban ang ating teritoryo sa mga nagtatangkang mang-agaw nito.