-- Advertisements --

Iniulat ng Philippine Navy na mayroon itong sangkaterbang mga barko ng China na na-monitor sa ilang bahagi ng West Philippine Sea.

Ayon kay Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea, Commo. Roy Vincent Trinidad, batay sa pinakahuling monitoring ng kanilang hanay ay umabot na sa kabuuang 107 ang bilang ng mga barko ng China na kanilang na-monitor sa pitong lugar sa WPS mula Abril 30 hanggang Mayo 6, 2024.

Aniya, pinakamarami sa mga ito ay namataan sa bisinidad ng Pag-asa Island na kinabibilangan ng 35 Chinese Maritime Militia vessels, 2 People’s Liberation Army NAVY vessel, 1 Chinese Coast Guard Vessel.

Sinundan ito ng mga barko ng nasabing bansa na nasa Ayungin shoal kung saan aabot sa 30 CMM vessels, at tatlong CCG vessels.

Habang 16 na CMM vessels, 2 PLAN vessels, at 3 CCG vessels naman ang namataan sa Panatag shoal.

Nasa anim na CMM ang nakita sa Panata Island, Isang CMM, at isang CCG sa Kota Island, at tig-iisang CCG naman sa Lawak at Patag Island.

Samantala, sa kabila nito ay inihayag naman ng Philippine Navy na walang namomonitor na mga barko ng China sa mga isla ng Parola at Likas na bahagi pa rin ng West Philippine Sea.