NAGA CITY – Mahigit sa 100 katao ang pansamantalang inilikas ng mga otoridad matapos ang nangyaring bakbakan sa pagitan ng Philippine Army kasama ang Philippine Air Force at New People’s Army (NPA) sa Barangay Lidong, Caramoan, Camarines Sur kahapon.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), nabatid na nasa 161 katao ang pansalamantalang nagpalipas muna ng gabi sa covered court ng LGU-Garchitorena.
Kaugnay nito, agad namang inalerto ng Department of Social Welfare and Development Office (DSWD) ang kanilang Quick Response Team (QRT) para agad na matugunan ang mga pangangailangan ng mga evacuees.
Maliban dito handa rin aniya ang ospital sa naturang bayan para sa medical assistance habang sasagutin naman ng Philippine Red Cross Camarines Sur ang psychosocial services para sa mga apektadong residente.
Kung maaalala, tumagal ng halos isa’t kalahating oras ang naging labanan ng tropa ng pamahalaan at ng mga rebelde kung saan sinabayan na ito ng close air support ng Philippine Air Force.
Sa panayam kay Maj. Ricky Anthony Aguilar, chief ng Division Public Affairs Office ng 9th Infantry Division Philippine Army, sinabi nitong wala namang naitalang casualty sa panig ng tropa ng pamahalaan ngunit pinaniniwalaang marami ang nasugatan sa mga rebelde dahil sa mga bakas ng dugo na naiwan sa encounter site.
Samantala, isang engkwentro rin ang naitala sa bayan ng Bula na tumagal ng 30 minuto kung saan tatlong backpacks at ilang subersibong dokumento ang narekober.