Nananatili sa mga evacuation center ang kabuuang 110 katao dahil sa mga pag-ulang dulot ng shear line, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ito ay binubuo ng 33 pamilya na pansamantalang nanunuluyan sa 3 binuksan na evacuation center.
Apat na pamilya rin ang kumpirmadong nakikitira sa kanilang mga kamag-anak dahil sa nararanasang pagbaha.
Batay sa datus ng DSWD, umabot na sa 761 barangay ang kumpirmadong apektado sa malawakang pag-ulan at pagbaha dulot ng shear line.
Mula sa mahigit 760 barangay, apektado ang kabuuang 154,386 pamilya na binubuo ng 655,554 katao.
Malaking porsyento ng mga apektado ay mula sa Bicol Region, Mimaropa, at Visayas.
Iniulat rin ng DSWD na nakapaghatid na ito ng kabuuang P26,228,362 halaga ng tulong sa mga apektadong residente at mga komunidad.