Iniulat ng Task Force El Niño na aabot sa 98 siyudad at munisipalidad sa bansa kabilang ang 5 probinsiya sa nagdeklara na ng state of calamity dahil sa epekto ng El Niño phenomenon.
Ayon kay Task force spokesman Assistant Secretary Joey Villarama, kabilang sa mga apektado ang 5 probinsiya kabilang ang Occidental Mindoro, Antique, Sultan Kudarat, Basilan, at Maguindanao del Sur.
Samantala, iniulat din ng opisyal na sa huling datos ng Department of Agriculture, pumalo na sa 3.94 billion ang danyos sa sektor ng agrikultura katumbas ito ng 66,000 ektarya kung saan 78% nito ay may tiyansa pa ring makarekober.
Tiniyak naman ng opisyal sa publiko na nakahanda ang pamahalaan na magbigay ng tulong sa mga apektadong pamilya kabilang ang cash transfers.
Sinabi din ni ASec. Villarama na inaasahang huhupa na ang epekto ng El Nino sa katapusan ng Mayo.