-- Advertisements --
image 171

Isinailalim sa preemptive evacuation ang mahigit 1, 000 na katao mula sa mahigit 300 na pamilya sa Cagayan bunsod ng mga pag-ulan na nagdulot ng pagbaha.

Sinabi ni Rueli Rapsing, head ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office o PDRRMO na ang mga nasabing indibidual ay mula sa bayan ng Aparri, Pamplona, Gattaran, Allacapan at Sta. Teresita.

Ayon kay Rapsing, nagkaroon ng hanggang tuhod na baha na dala ng mga pag-uulan sa mga nasabing lugar.

Kahapon ay una na ring nagsagawa ng pre-disaster risk assessement ang PDRRMO katuwang ang iba’t ibang responding agencies kung saan ay pinag-usapan ang mga hakbang na ilalatag sakaling maranasan ang direktang epekto ng bagyong ‘Maymay’ sa probinsya.

Sa ngayon aniya ay activated na ang incident management team ng probinsya na nakabase ngayon sa sub-capitol sa Lal-lo habang nakahanda naman ang kanilang emergency operations center sa kanilang tanggapan sa Brgy. San Gabriel dito sa lungsod.

Sinabi rin niya na sa ngayon ay mayroon namang mahigit 2, 000 family packs ang nakaantabay sa tanggapan ng PSWDO Cagayan upang may maibigay anumang oras na kailanganin ito ng mga LGUs.

Naka- preposition na rin ang lahat ng rescue assets at maging ang mga gagamitin para sa mga clearing operations sakaling may mangyari man na pagguho ng lupa.

Sa monitoring ng PDRRMO Cagayan ay passable naman hanggang sa ngayon ang mga pangunahing lansangan at tulay sa probinsya.