CAUAYAN CITY – Inabot ng kalahating araw bago malinis at maalis ang masangsang na amoy ng nagkalat na halos 1,000 mga patay na manok na nahulog mula sa truck ng isang poultry farm sa lansangang nasasakupan ng barangay Marabulig Uno, Cauayan City.
Nauna rito ay tumugon ang Bombo News team sa reklamong idinulog sa Bombo Radyo Cauayan kaugnay sa mga nagkalat na mga patay at nangangamoy na mga manok sa lansangang nasasakupan ng nasabing barangay.
Tumambad sa Bombo News Team ang masangsang na amoy ng mga patay na manok sa nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Punong Barangay Jaime Partido ng Marabulig Uno na agad silang nagsagawa ng paglilinis nang makita mahigit 1,000 mga patay na manok na nagkalat sa halos isang kilometrong daan.
Ang nasabing patay na mga manok ay mula sa poultry farm ni Alex Ty.
Kaagad namang nakipag-ugnayan ang punong barangay sa katiwala ng farm kaugnay sa nahulog na mga patay na manok mula sa truck ng nasabing poultry farm ..
Hindi umano napansin ng tsuper ng truck na nahulog ang mga patay na manok mula sa sasakyan na magdadala sana sa lugar kung saan nila ibabaon.
Nalaman anya ng punong barangay na halos 30,000 manok ang namatay sa poultry farm ni Alex Ty matapos magkaroon ng maghapong brownout noong araw ng Martes at nagkataon namang nagkaproblema sa generator set ng nasabing farm.
Nagtulong tulong ang mga taong barangay at mga manggagawa ng poultry farm sa paglilinis ng nasabing daan.
Samantala, inako naman ni Poultry Farm Manager Robert Tabadero ang responsibilidad at kanyang ipinaliwanag na noong nagkaroon ng brownout noong araw ng Martes ay nangamatay ang mahigit 30,000 mga manok .
Sinabi pa ni Tabadero na hindi sinadya ang pagkakahulog ng mga patay na mga manok sa mga lansangan kundi nasira ang lock ng side ng elf sanhi para mahulog ang mga manok.
Kanya pang sinabi na tumulong rin ang mga manggagawa ng poultry farm sa paglilinis at maging ang krudo na gagamitin ng firetruck ng barangay Marabulig Uno ay kanilang sasagutin.