Nasa mahigit 10,000 Pinoy ang nananatili ngayon sa Russia ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Ito ay sa gitna nang patung-patong na sanctions na ipinataw ng iba’t-ibang bansa sa Russia dahil sa naging pagsalakay nito sa Ukraine.
Ayon kay POEA Administrator Bernard Olalia, marami sa ating mga kababayan na nasabing bansa ay mga domestic workers at habang tumatagal pa aniya ang naturang kaguluhan ay mas marami pang mga OFWs ang maaapektuhan.
Paliwanag niya, ang Europa kasi aniya ay isang emerging market para sa OFWs habang karamihan sa mga bansang nasa paligid ng Ukraine ay bago pa lamang ang deployment na isinasagawa ng bansa kabilang na ang Romania, Hungary, at Moldova.
Samantala, sinabi naman ng opisyal na hindi bababa sa 472 Pinoy seafarerssa Ukraine ang naapektuhan ng nangyayaring sigalot doon, habang nasa 200 sa mga ito ay bumaba na sa barko mula noong nakaarang linggo, at 60 seafarers naman ang nakauwe na sa bansa.
Sa ngayon ay nasa 100 mga indibidwal pa aniya ang kasalukuyang nasa mga conflict area sa Ukraine na naghihintay pa ng tamang panahon para sa paglilikas sa mga ito dahil hindi aniya basta-basta ang repatriation doon dahil pa rin sa lumalalang tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine.