Umabot na sa mahigit 100,000 katao mula sa Albay ang inilikas patungo sa mga evacuation center sa gitna ng mga pagbahang dulot ng bagyong Kristine, ayon kay Albay Acting Governor Glenda Bongao.
Marami sa mga residente, ayon kay Gov. Bongao, ay nabigla sa biglaang pagbaha lalo na sa mga lugar sa Albay na hindi dati inaabot ng tubig-baha.
Marami rin sa mga ito aniya ay nagpakampante kaya’t hindi na lumikas bago pa man ang pagbagsak ng malakas na ulan.
Ayon naman kay Albay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office officer-in-charge engineer Dante Baclao, huling nakaranas ang probinsya ng Albay ng kahalintulad na ulan at pagbaha, 55 taon na ang nakakalipas.
Maliban sa mahigit 100,000 katao na nasa mga evacuation center, ilan din sa mga residente ang piniling pansamantalang makitira na lamang muna sa mga kakilala at mga kamag-anak.