-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY- Ikinokonsidera na maagang pamasko ng mahigit 11,000 magsasaka ang ipinamahagi ni President Ferdinand Marcos Jr. na titulo ng lupa at mahigit 13,000 certificates of condonation with release of mortgage (CocRoms) para sa 11,709 Agrarian Reform Beneficiaries mula sa ibat-ibang bahagi ng Region 12 o SOCCSKSARGEN.

Hindi lang personal na nakasalamuha ang Pangulo kundi hudyat rin na nakawala ang mga magsasaka sa kanilang mga obligasyon dahil binura na ng gobyerno ang P938 million na pagkakautang sa pamamagitan ng CocRoms.

Kahapon nagtipon sa Sarangani National Sports Center ang 11,699 magsasaka mula sa apat na probinsya sa Region 12.

Nalaman na may 21,000 ektarya ng agricultural land mula sa Sarangani, South Cotabato, North Cotabato at Sultan Kudarat na cover sa nasabing programa.

Sa kaniyang talumpati, ibinalita ng Pangulo sa mga magsasakang benepisyaryo na burado na ang lahat ng pagkakautang ng mga ito sa gobyerno na may kinalaman sa kanilang lupang sinasaka.

Kasama ng Pangulo sina Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Conrado Estrella III, Special Assistant to the President Secretary Antonio Ernesto Lagdameo Jr. at Mindanao Development Authority Chairperson Secretary Leo Tereso Magno.

Nandoon din ang mga Governor at iba pang Local Chief Executive sa rehiyon para sa nasabing aktibidad.