-- Advertisements --

Nagbigay ng tulong medikal ang Philippine Red Cross (PRC) sa kabuuang 11,429 indibidwal sa buong linggong operasyon nito sa Undas 2024.

Nitong tanghali, ang PRC Safety services unit ay nakapagtala ng 11,017 indibidwal na nag-avail ng libreng mga serbisyo sa pagsusuri ng vital signs sa kanilang first aid stations.

Ginamot din ng mga emergency medical service (EMS) team ang 357 pasyente na may mga bahagyang pinsala tulad ng mga pasa, paso, pananakit ng ulo, hypertension, pagkapagod, pagduduwal, at pagdurugo ng ilong; pati na rin ang 25 tao na may malalaking kaso tulad ng pananakit ng tiyan, mild stroke, at mga seizure.

Nasa 30 tao na nangangailangan ng mas agarang medikal na atensyon ay dinala sa mga kalapit na ospital ng mga EMS team sa mga unit ng ambulansya.

Bilang karagdagan sa pangangalagang medikal, 700 katao din ang natulungan ng PRC sa pamamagitan ng mga welfare programs nito.

Nakapagbigay din ng maiinit na pagkain sa higit sa 590 katao at inialok din ang psychological support.

May kabuuang 359 na mga istasyon ng first aid ang naitatag, 2,548 na mga first aider ang pinakilos, at 71 na ambulansya ang na-deploy.

Bukod sa pagbibigay ng tulong medikal sa mga taong bumibisita sa kanilang mga mahal sa buhay sa mga sementeryo, nagsagawa rin ang PRC ng mga aktibidad na “Lakbay Alalay”, na tumulong sa 1,516 na byahero sa pamamagitan ng 43 na first aid stations.

Pinuri ni PRC Chairman at CEO Richard Gordon ang pagsisikap ng mga volunteers at kawani na naglaan ng kanilang oras sa public service sa mahalagang okasyong ito.

Sinabi naman ni PRC Secretary General Dr. Gwen Pang na ang presensya sa mga sementeryo, highway, daungan, at iba pang lugar ay nagbigay ginhawa sa mga mamamayan.

Mahalagang mabatid din umano ng publiko na may sasagot kapag tumawag sila ng tulong sa mga kahalintulad na sitwasyon.