CAUAYAN CITY- Muling nakapagtala ng positibong kaso ng COVID 19 virus ang tatlong distrito malapit sa wet market ng Wuhan City, China matapos ang ilang linggo lamang na pagbawi sa lockdown.
sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Chai Roxas isang OFW sa Wuhan City China, sinabi niya na bilang tugon ay pinag-aaralan na ng Chinese Government ang pagsasagawa ng mandatory testing at Swab test sa mahigit 11 million na residente ng Wuhan City.
Layunin ng nasabing mass testing ay para mapabilis ang pagpigil sa paglaganap ng virus.
Dahil dito ay nanatiling mahigpit ang pamahalaan sa pagapatupad ng panuntunan, kailangan aniya na laging may suot na face mask kapag lalabas, mag-scan ng green card para matukoy kung sang mga lugar pupunta at kung sino sino ang mga taong nakasalamuha sa labas.
Bagamat muling nakapagtala ng kaso ay hindi pa pinag-aralan ang muling pagdedeklara ng lockdown dahil mas napaghandaan na ng wuhan City ang pagpigil sa Virus.
Aniya sa ngayon ay hindi pa tumatanggap ng mga dayuhang pasyente ang ilang malalaking pagamutan sa Wuhan dahil mas tinututukan ang kapakanan ng mga Chinese National.