Umabot na sa 117,676 ang pamilyang kumpirmadong naapektuhan ng Southwest Monsoon at Low Pressure Area (LPA) sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Batay sa inilabas na ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), katumbas ito ng 572,997 na indibidwal.
Nagmula ang mga ito sa 429 na brgy mula sa Mimaropa, Region 7, 9, 10, 11, 12, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon pa sa NDRRMC, 5,395 na pamilya o katumbas ng 22,253 na katao ang nasa mga evacuation center.
Mayroon ding 65,739 na pamilya o katumbas ng 327,001 na naapektuhan na piniling hindi na muna tumuloy sa mga evacuation center. Ang mga ito, ayon sa konseho ay hinatiran pa rin ng tulong.
Sa kasalukuyan ay nananatili pa rin sa apat ang kumpirmadong bilang ng mga nasawi.
Ang mga ito ay mula sa Region 9, at region 10, habang patuloy na biniberipika ang umano’y naiulat pang nasawi sa Region 11 at BARMM.
Kung makumpirma ang mga ito, aabot na sa 7 ang kabuuang bilang ng mga namatay.