CAUAYAN CITY – Umabot na sa 12,256 ang nakapagpatala o nakapag-enroll para sa pagbubukas ng klase para sa taong 2020-2021.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Alfredo Gumaru Jr., Schools Division Supt. ng DepEd Cauayan na sa target nilang makapag-enroll ngayon na mag-aaral na mahigit 30,000 mag-aaral ay nasa 20,000 mag-aaral ang inaasahan pa nilang magpapa-enroll.
Aniya ang mahigit 12,000 nakapag-enroll na ay ang kanilang mga natawagan at nagkumpirma sa kanilang tanggapan na magpapatuloy sa pag-aaral.
Nagpapakita anya na nakalahati na nila ang bilang ng mga mag-aaral na puntirya nilang makapag-enroll.
Sinabi pa ni Dr. Gumaru na marami pang araw ngayong buwan ang natitira para makapag-enroll ang mga mag-aaral.
Umaasa ang SDO Cauayan na mas madali na ngayon ang bagong sistema ng pag-aaral para sa pagbubukas ng klase…
ito ay sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga estudyante sa loob ng kanilang bahay sa pamamagitan ng mga inihahanda at pinagpaplanuhang pamamaraan.
Gayunman titiyakin ng mga guro na nag-aaral ang kanilang mga estudyante sa pamamagitan ng kanilang gagawing assessment katulad ng pagsusuri sa kanilang journal portfolio at individual activities ng mga mag-aaral.