NAGA CITY- Umabot na sa 12,935 na pamilya o 52,021 na mga indibidwal ang kabuuang bilang ng mga evacuees sa Camarines Sur dahil kay bagyong Ulysses.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Estel Estropia, tagapagsalita ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ng nasabing lalawigan, sinabi nito na nasa 235 na barangay mula sa 32 munisipalidad ang nakapagtala ng mga pagbaha.
Kaugnay nito, nabatid din na ang ilang mga bayan sa lalawigan na lubog pa rin sa baha ay dahil pa sa naging pananalasa ni Super Typhoon Rolly.
Ayon pa kay Estropia, ilan rin umano rito ay nakapagtala ng pagguho ng lupa.
Dahil din sa mga natatanggap na ulat ng nasabing ahensiya ay nagpadala na ito ng augmentation team para makatulong sa isinasagawang clearing operations.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang assessment ng PDRRMO kaugnay ng iniwang pinsala ni bagyong Ulysses.