Iniulat ng Ukrainian General Staff na nasa mahigit 12,000 na mga sundalo na ng Russia ang nasawi sa nagpapatuloy na bakbakan ngayon sa kanilang bansa laban sa Russia.
Bukod dito ay nawasak din daw ang mabibigat na mga armas, kabilang na ang 49 fighter jets, 81 helicopters, 335 tangke, 1,105 armored fighting vehicles, 123 artillery system, 56 launcher rocket system at 29 anti-aircraft warfare systems.
Dagdag pa ng General Staff, nawalan din daw ang Russian forces ng 526 na mga sasakyan, tatlong bangka o cutter, 60 tangke ng gasolina, at pitong UAV operational tactical level sa Ukraine sa nakalipas na 15 araw.
Sa isang salaysay sa US Congress, iniulat ng mga intelligence officials na mas mababa ito kaysa sa mga bilang ng Ukrainian, na may tinatayang 2,000-4,000 na mga sundalong Ruso na ang umano’y napatay.
Magugunita na noong Pebrero 24 nagsimula ang digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine kung saan ay umani ng international condemnation ang Russia dahil sa naging pananalakay nito na humantong naman sa mga financial sanctions sa Moscow, at nag-udyok ng exodus sa global companies mula sa kanilang bansa.
Sa datos ng UN, hindi bababa sa 516 na sibilyan na ang napatay at 908 iba pa ang nasugatan sa Ukraine sa ngayon, ngunit ang tunay na bilang ay pinangangambahan na mas mataas pa.
Samantala, nasa mahigit 2.1 million naman na ang bilang ng mga taong lumikas sa Ukraine patungo sa mga kalapit na bansa nito, ayon pa sa UN refugee agency.