-- Advertisements --

Naitala ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mahigit 130,000 pasahero sa mga daungan sa buong bansa noong Bisperas ng Pasko.

Ito ay habang sinikap ng mga Pilipino na makahabol sa mga last minute trip na makauwi sa kanilang mga probinsya para sa Noche Buena.

May kabuuang 69,523 outbound passengers at 61,063 inbound passengers ang namonitor sa iba’t ibang pantalan.

Matatandaan na nagtalaga ang PCG ng 2,729 frontline personnel sa lahat ng 15 coast guard districts nito sa buong bansa upang matiyak ang kaligtasan ng mga bumibiyahe.

Dagdag dito, ininspeksyon ng on-duty PCG personnel ang 606 na sasakyang pandagat at 846 na motorbanca sa parehong panahon.

Pinaalalahanan ni PCG Commandant, Admiral Ronnie Gil Gavan ang mga tauhan ng coast guard na magpatupad ng mahigpit na vessel safety at pre-departure inspection sa mga pantalan upang matiyak na magiging ligtas at secure ang operasyon ng mga maritime vessels.

Una na rio, inilagay ng PCG ang mga districts, stations, at substation nito sa heightened alert status mula Disyembre 15, 2023 hanggang Ene. 3, 2024 upang pamahalaan ang pagdagsa ng mga pasahero sa pantalan ngayong holiday season.