Lumikas na ang libu-libong indibidwal sa iba’t-ibang bahagi ng bansa bago pa man ang inaasahang pag-landfall ng Super Typhoon Pepito.
Ayon kay Office of Civil Defense Administrator Ariel Nepumuceno, bago pa naideklara bilang Super Typhoon ang bagyong Pepito ay mahigit 134,000 katao na ang lumikas. Ito ay katumbas ng mahigit 44,600 pamilya.
Marami sa mga ito ang mas piniling pansamantalang manatili sa mga evacuation center, habang ang ilan ay pansamantalang nakitira sa kanilang mga kaanak at kakilala na malayo sa banta ng bagyo.
Dahil na rin sa limang magkakasunod na bagyong tumama sa Pilipinas mula noong bagyong Kristine, sinabi ni Nepumuceno na mayroon pang mahigit 35,000 katao ang pansamantalang naninirahan sa mga evacuation center. Ito ay katumbas ng mahigit 11,200 na pamilya.
Samantala, bagamat hindi direktang dadaan ang bagyo sa National Capital Region (NCR), Central Luzon, Cagayan Valley, Ilocos Region, at CAR, sinabi ng OCD administrator na inabisuhan na rin ng mga LGU ang mga residente na nasa flood-prone areas na maghanda at magsagawa ng maagang paglikas.
Ayon sa opisyal, sa lahat ng mga lugar na inaasahang maaapektuhan ng extension ng bagyo ay ipinag-utos na ang maagang paglikas upang mapigilan ang anumang typhoon-related casualties.
Ayon sa opisyal, nananatiling target ng pamahalaan ang zero casualties sa tuwing may mga bagyong dumadaan o tumatama sa bansa.