Nagsimula nang maglabas ang Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ng listahan ng mga fully booked na biyahe kasabay ng inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa kasagsagan ng Mahal na Araw.
Batay sa record ng PITX, karamihan sa mga biyaheng punuan na ay mga pampasaherong bus na may rutang Bicol at ilang bahagi ng Mindanao.
Mula Abril-12 (Sabado) hanggang Abril-16 (Miyerkules Santo), punuan na ang kabuuang 154 na biyahe na nakabase sa naturang terminal.
Kinabibilangan ito ng mga pampasaherong bus na papunta sa mga probinsya ng ng Sorsogon, Camarines Norte, Albay, at Camarines Sur napawang mula sa Bicol Region (Region 5).
Ilang biyahe rin papunta sa ilang lugar sa Mindanao tulad ng Cagayan de Oro, Misamis Oriental, at Davao City ang naitalang punuan na, mula Abril 14 (Lunes Santo) hanggang Miyerkules Santo.
Sa kasalukuyan, nagsisimula na ring lumubo ang bilang ng mga pasaherong papunta sa Northern Luzon.
Ayon sa PITX, aabot sa 2.5 million pasahero ang inaasahang dadagsa sa kasagsagan ng Mahal na Araw hanggang sa susunod na lingo kung kailan inaasahang babalik na sa Metro Manila ang marami sa mga biyahero.