Inakusahan ng Ukraine ang Russia na gumagamit ng higit sa 150 Chinese mercenaries sa kanilang panig sa nagaganap na digmaan.
Ayon kay Pangulong Volodymyr Zelenskyy, dalawang Tsino ang nahuli ng militar ng Ukraine habang nakikipaglaban para sa Russia. Ipinahayag din ni Zelenskyy na handa siyang ipagpalit ang mga ito para sa mga bihag na sundalong Ukrainian.
‘Our military captured two Chinese citizens who fought in the Russian army. This happened on the territory of Ukraine – in the Donetsk region,’ pahayag ni Zelensky sa kanyang social media.
Samantala iginiit ng China na ang paratang ay ”walang basehan” at sinabing hinihikayat nila ang kanilang mga mamamayan na umiwas sa mga digmaan. Ayon sa Kyiv, nakuha nila ang mga pangalan at detalye ng pasaporte ng 155 na Chinese mercenaries na diumano’y na-recruit sa social media at sumailalim sa pagsasanay sa Russia.
Nagdulot naman ito ng pangamba sa U.S. at European Union na matagal nang binabatikos ang pag-suporta ng China sa Russia —partikular ang pagbebenta ng mga mga makabagong kagamitan pang gera na maaaring gamitin aniya sa paggawa ng armas.
Patuloy naman ang pag-atake ng Russia sa Ukraine kung saan isang malaking drone attack ang tumama sa lungsod ng Kramatorsk, na ikinasugat ng isang batang babae at kanyang pamilya.
Nabatid na tumanggi ang Russia sa mungkahing 30-araw na tigil-putukan ng Estados Unidos, habang kapwa panig ang nagsabing naghahanda sa mas matinding opensiba.