Nananatiling lubog sa tubig baha ang malaking bahagi ng Palawan dahil sa malawakang pag-ulan dulot ng shear line.
Dahil dito, aabot na sa 151 pamilya ang inilikas mula sa Puerto Princesa City matapos malubog sa tubig-baha ang maraming kabahayan. Ito ay binubuo ng 600 katao na dinala sa anim na evacuation center.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy pa rin ang pagpapalikas sa mga binahang residente mula sa Puerto Princesa at iba pang mga lugar sa Palawan.
Batay sa report na inilabas ng state weather bureau, nakaranas ang naturang syudad ng hanggang 150mm ng tubig-ulan mula umaga kahapon, Pebrero 9, hanggang tanghali.
Dahil dito, nalubog sa tubig-baha ang maraming kalsada at mga tulay sa Palawan habang umabot sa baywang ang lebel ng tubig sa mga kabahayan.
Ngayong araw, Pebrero-10, suspendido ang pasok sa mga government agencies, kasama na ang pasok sa mga pribado at pampublikong eskwelahan, sa lahat ng antas.
Ngayong araw, muling nahaharap sa moderate to heavy rain ang probinsya ng Palawan.
Ito ay katumbas ng 50 hanggang 100 milimetro ng tubig-ulan at may potensyal na magdulot ng malawakang pagbaha.