Nasagip ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mahigit 15,000 katao sa gitna ng pananalasa ng bagyong Kristine.
Ayon kay PCG spokesperson Commodore Algier Ricafrente, karamihan sa kanilang naisalba ay mula sa mga isinagawang rescue operations sa Bicol region at lalawigan ng Batangas.
Aniya, mahigit 200 personnel ang nakadeploy kasama ang augmentation mula sa Coast Guard District Batangas.
Naisagawa ang rescue operations sa pakikipagtulungan din sa mga lokal na pamahalaan.
Samantala, iniulat din ng PCG na narekober ng kanilang personnel ang nasa 3 labi na na-trap sa mga bahay sa Albay sa kasagsagan ng malawakang pagbaha sa probinsiya. Nasa 2 sa nasawi ay narekober sa Sitio Libas, Barangay Maguiron sa bayan ng Guinobatan habang ang ikatlong bangkay ay mula sa Zone 5, Libon.
Sa huling datos ng Police Regional Office 5 nitong umaga ng Huwebes, pumalo na sa kabuuang 20 biktima ang nasawi sa Bicol region sa pananalasa ng bagyo.