Umabot sa 16,114 ang nabigyan ng tulong sa unang distrito ng Leyte sa isinagawang aid caravan ng mga ahensya ng gobyerno na isinulong ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Kasunod ito ng pamamahagi ng ayuda ngayong Martes sa may 2,000 kwalipikadong residente sa bayan ng San Miguel, Leyte sa ilalim ng Tulong Pangkabuhayan sa Ating Disadvantaged/Displace Workers (TUPAD). Isinagawa ang payout sa town gym.
Ang bawat benepisyaryo ay nakatangagap ng P4,050 para sa 10 araw na pagta-trabaho sa ilalim ng emergency employment program na may kabuuang halaga na P8.1 million.
“We remain committed to delivering targeted assistance to our citizens in need, particularly in the province of Leyte, in line with President Ferdinand R. Marcos, Jr.’s vision for ‘Bagong Pilipinas’,” ani Speaker Romualdez
Pinangunahan ni Atty. Mark Reyes, District Chief of Staff ni Speaker Romualdez ang naturang payout katuwang ang Department of Labor and Employment, na kinatawan ni DOLE North Leyte Field Office head Engr. Emmanuel Dela Cruz.
Sinamahan sila ni San Miguel Mayor Norman Sabdao at iba pang miyembro ng konseho ng munisipalidad.
Ang pamamahagi ng ayuda sa bayan ng San Miguel ay naging hudyat upang makompleto na ang pagkakaloob ng tulong sa buong unang distrito ng Leyte na kinakatawan ni Speaker Romualdez sa Kamara de Representantes.
Sakop ng unang distrito ang Tacloban City at ang mga munisipalidad ng Tanauan, Babatngon, Sta. Fe, Alangalang, Tolosa, at San Miguel.
Sa ikalawang linggo ng pamamahagi ng tulong, umakyat na sa kabuuang P72.94 milyong ang halaga ng ayuda na naipagkaloob sa mga benepisyaryo.
Bahagi ng aid caravan ang CARD, TUPAD at AKAP programs na nagsimula noong Hulyo 9 sa People’s Center sa Tacloban City at mga bayan ng Babatngon, na sinundan ng CARD payout sa munisipalidad ng Tanauan ng sumunod na linggo.
Noong Hulyo 11 sunod na natulungan ang mga residente ng Brgy. 94 Tigbao sa Tacloban at munisipalidad ng Tolosa. Nagtapos ang unang linggo ng pamamahagi ng ayuda sa Brgy. 96, Calanipawan, Tacloban City at munisipalidad ng Sta. Fe noong Hulyo 12.
Nito namang Hulyo 15 bumalik ang aid caravan sa Tacloban City partikular sa Brgy. 96 Calanipawan kasabay ng pagbibigay ng tulong sa mga taga-Alangalang.
Magpapatuloy ang pagpapaabot ng tulong sa mga residente ng Leyte hanggang Hulyo 19.