Nagpahayag ng interes ang 160 hog raiser at mga commercial farm na lumahok sa controlled vaccination na isinasagawa ng Department of Agriculture (DA) laban sa African Swine Fever (ASF).
Maalalang pinangunahan ng DA kahapon ang orientation sa mga hog raiser sa Batangas para sa isasagawang bakunahan.
Dito ay marami umanong mga hog raiser ang nagpahayag ng kagustuhang isailalim sa vaccination ang kanilang mga alagang hayop.
Pinag-aaralan naman ito ng DA habang limitado pa lamang ang bilang ng mga bakunang gagamitin sa vaccination drive.
Ayon kay DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, pinaghahandaan din ng ahensiya ang pangangalap ng mga blood samples mula sa mga baboy na babakunahan, kasama na ang mga laboratoryong tatanggap at silang magsusuri sa mga blood sample.
Tiniyak naman ni de Mesa na mas marami pang bakuna ang inaasahang darating dito sa bansa, kasabay ng pagnanais ng pamahalaan na makontrol na ang ASF.
Samantala, uunahing magturok ng bakuna sa bayan ng Lobo; isusunod sa Lipa City at bayan ng Taysan, na pawang mga lugar sa Batangas.