Mahigit 1,600 grade school pupils ang apektado sa nagpapatuloy na pag-alburuto ng bulkang Kanlaon. Ang mga ito ay may edad mula anim hanggang labindalawa.
Batay sa datus ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang mga ito ay pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation center sa Kanlaon area.
Ayon kay DSWD spokesperson, Asec. Irene Dumlao, tinututukan ng ahensiya ang mga ito upang hindi maapektuhan ang kanilang pag-aaral sa pamamagitan ng ng blended-learning activities.
Mula kasi noong ipag-utos ang mandatory evacuation ay ginagamit na ang blended-learning na binubuo ng face-to-face classes at modular learning.
Ayon kay Dumlao, maliban sa mga Department of Education personnel na nagbabantay sa progreso ng mga mag-aaral ay tumutulong din ang mga field personnel ng DSWD upang magabayan ang mga ito.
Matutulungan din ang mga ito aniya sa pamamagitan ng sapat na pagkain, ligtas at malinis na evacuation area, at iba pang pangangailangan tulad ng mga learning materials.
Pagtitiyak ng opisyal, magpapatuloy na gagabay ang pamahalaan sa mga evacuees hanggang tuluyan din silang makabalik sa kanilang mga bahay at bumalik sa normal ang kanilang buhay.