-- Advertisements --

Iniulat ng Bureau of Immigration na aabot sa halos 16,200 na mga Chinese tourists ang napagkalooban ng student visas para makapasok sa Pilipinas.

Ito ang inihayag ng naturang kawanihan sa gitna na rin ng ikinakasang imbestigasyon nito hinggil sa isyu ng umano’y pagdami ng mga Chinese students sa bansa.

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, batay sa record ng kanilang kagawaran mayroong 1,516 na mga Chinese nationals sa Cagayan ang nabigyan ng student visas na pawang inendorso ng isang malaking unibersidad sa Pilipinas.

Habang batay naman aniya sa kanilang isinagawang verification ay aabot lamang sa 485 ang bilang ng mga Chinese nationals na mayroong student visas at nakapag-enrol noong Abril 2024.

Mula sa naturang bilang nasa 96 lamang sa mga ito ang dumadalo ng mga klase on-site habang ang karamihan naman ay dumadalo sa kanilang mga remote classes.

Dahil dito ay nakatakdang magpulong ang Inter-agency Committee on Foreign Students sa Mayo 13, 2024 upang talakayin ang isyu sa umano’y tumataas na bilang ng mga Chinese students sa Pilipinas.

Habang kabilang din aniya sa kanilang tatalakayin ay ang malaking bilang din ng mga Chinese nationals na mayroong students visa sa Tuguegarao City.