-- Advertisements --

Umabot na sa kabuuang 169,769 indibidwal o survivors ang nasagip ng mga rescuer ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno mula sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Kristine.

Ito ay sa gitna na rin ng tuluy-tuloy na rescue efforts ng pamahalaan matapos ang mga naitalang insidente ng landslide at baha sa iba’t ibang mga lugar lalo na sa matinding sinalanta sa Bicol region at Calabarzon region.

Iniulat din ni Office of the Civil Defense (OCD) deputy administrator for operations ASec. Bernardo Rafaelito Alejandro IV na nabigyan na ng mahigit 500,000 food packs ang mga hinagupit ng bagyo alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa national government agencies.

Tinatayang nasa P1.3 billion naman ang inisyal na halaga ng pinsala sa mga kalsada at tulay.

Naibalik na rin ang suplay ng kuryente sa 228 mula sa 352 siyudad at munisipalidad na nakaranas ng power outages dahil sa malalakas na hangin at ulan.