Nasa mahigit 17,000 na mga Overseas Filipino Workers (OFW) na ang naitala ng Commission on Elections (COMELEC) na nagpapre-enroll para sa isasagawang internet voting ngayong halalan.
Nagsimula ang pre-enrollment noong Marso 20 at magtatagal ito hanggang Mayo 7 ng kasalukuyang taon. Ang mga overseas voters ay maaaring mag-enroll gamit ang kanilang sariling internet-capable device, voting kiosks sa mga Philippine posts, o field pre-voting enrollment na naka-schedule sa mga Philippine posts.
Ang mga overseas voters ay maaaring makaboto gamit ang sarili nilang internet at electronic device mula Abril 13 hanggang Mayo 12. Nasa 77 na posts ang maaaring mag-online voting, samantala, may 17 posts naman na balota at Automated Counting Machines (ACMs) pa rin ang gagamitin dahil strikto ang mga bansang ito sa paggamit ng internet.
Kaugnay nito, patuloy naman ang paghimok ni Commission on Elections Chairman (COMELEC) George Erwin Garcia sa 1.2M Filipino Overseas Voters na magpapre-enroll na dahil ang Online Voting and Counting System (OVCS) ay tumatanggap na ng mas maraming option pagdating sa identification cards na isusumite. Maaari na nilang gamitin ang kanilang mga passport, seaman’s book, drivers license at nation IDs para sa pre-enrollment.