-- Advertisements --

Ipina-deport na ang kabuuang 187 Chinese national na ikinulong dahil sangkot sa umano’y paglabag sa immigration law at POGO gambling hubs.

Ineskortan ng mga awtoridad ang naturang mga Chinese national mula sa detention facility ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) patungo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sa isang noon flight patungong Shanghai.

Ang hakbang na ito ay bahagi pa rin ng pagtalima sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bago ang deadline sa Enero 1, 2025 para sa tuluyang pagtigil ng operasyon ng lahat ng POGO sa bansa.

Ang mga detainee ay nahuli sa ilang serye ng raids na ikinasa ng mga awtoridad sa unang bahagi ng taon sa Lapu-Lapu city, Pasay city, Tarlac at Pampanga.

Samantala, plano namang ipa-deport ang ikalawang batch ng mga dayuhan sa susunod na linggo.

Inihayag naman ni PAOCC Executive Director Gilberto Cruz na simula sa Enero 1, tutugisin na nila ang mga naiwan na nagtatago at matitigas ang ulo sa kabila ng pagpapatigil sa kanilang operasyon. Kasama na aniya dito ang paghahain ng mga kasong criminal para sa paglabag sa Cybercrime Law.

Nangako naman ang opisyal na magbibigay ang pamahalaan ng pansamantalang assistance para sa mga pamilyang naiwan ng mga deportee kabilang na ang kanilang pangunahing pangangailangan, medisina at renta.