Umaabot na sa kabuuang 1,886 na mga suspect , pugante at mga kriminal na indibidwal ang naaresto ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group mula sa kanilang mga ikinasang operasyon noong nakalipas na buwan.
Batay sa datos ng ahensya, mula sa kabuuang bilang na ito, aabot sa 459 na mga banyaga ang kanilang naaresto kabilang na ang nasa 429 na sangkot sa ilegal na operasyon ng POGO at internet gaming licensees sa bansa.
Ayon kay CIDG chief Police Major General Nicolas Torre III , pumalo sa 1,047 law enforcement operations ang kanilang isinagawa sa naturang panahon.
Nagresulta naman ito sa pagkakakumpiska ng 128 firearms, 9,015 pampasabog, ibat-ibang uri ng magazines, 1708 rounds ng bala at iba pang mga ebidensya.
Ito ay may kabuuang halaga na aabot sa P195,539,453.
Tiniyak naman ng pamunuan ng CIDG na magpapatuloy ang kanilang mga operasyon laban sa mga kriminal, pugante at mga pinaghahanap ng batas.
Makatutulong rin ang hakbang na ito na masiguro ang pagkakaroon ng mapayapang halalan ngayong taon.