-- Advertisements --

Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na halos 45,000 pamilya, o mahigit 187,000 katao, sa Davao region ang naapektuhan ng pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa malakas na pag-ulan na dala ng shear line.

Sa isang progress report na inilabas noong Miyerkules, sinabi ng NDRRMC na noong Enero 16, naganap ang pagbaha at pagguho ng lupa sa ilang bahagi ng Davao de Oro at Davao del Norte.

Naapektuhan naman ng pagbaha ang ilang barangay sa Mawab, Nabuntura at Maragusan sa Davao de Oro pati na rin ang mga munisipalidad ng New Corella, Kapalong, at Lungsod ng Panabo.

Ayon sa ulat, sa kabuuan, ang Davao De Oro ay mayroong apat na lugar na binaha, 9 na lugar ang humupa na ang baha at 8 ang nakapagtala ng landslide bunsod ng mga pag-ulan.

Dagdag pa rito, ang Davao Del Norte naman ay mayroong 30 lugar na binaha subalit wala namang naiulat na pagguho ng lupa dulot ng ulan.

Sinabi pa ng NDRRMC na 23 road sections at dalawang tulay ang apektado, kung saan 11 sa mga kalsada at dalawang tulay ang hindi madaanan.

Ang naturang insidente ay nagbunsod ng pagkawala ng kuryente sa 6 na siyudad at munisipalidad.

Samantala, sinabi ng disaster response agency na kinukumpirma pa nila ang ulat sa pinsala sa imprastraktura sa Davao de Oro.

Aabot naman sa 4,179 family food packs at bigas na nagkakahalaga ng P2,917,258 na rin ang naibigay sa mga apektadong residente sa Davao de Oro, Davao Oriental at Davao del Norte.

Kasalukuyang naka-deploy ang rescue agencies na nagsasagawa ng weather and area monitoring, paglilinis ng kalsada, sapilitang pagpapalilikas at iba pang uri ng tulong sa mga residente sa mga apektadong lugar.