-- Advertisements --

Hindi bababa sa 18,463 metric tons ng imported na bigas ang dumating na sa bansa mula Vietnam, Thailand at Pakistan.

Batay sa pinakahuling datos ng Bureau of Plant Industry BPI, ang bulto ng inangkat na bigas ay nagmula sa Vietnam, 11,423 MT; sinundan ng Thailand, 6,500 MT at Pakistan, 540 MT.

Ang kabuuang pagdating ng imported na bigas noong 2023 ay umabot sa 3.567 million MT, na mas mababa ng pitong porsyento sa kabuuang importasyon noong 2022 na 3.826 million MT.

Ang BPI, isang attached agency ng Department of Agriculture (DA), ay nag-isyu ng sanitary at phytosanitary import clearance (SPSIC) sa mga importer.

Hindi bababa sa 5,460 clearances ang inisyu noong 2023, na may kabuuang dami na 4.8 milyong MT.

Tungkol naman sa pagtaas ng presyo ng retail ng bigas, sinabi ng DA na magpapatuloy ito dahil sa mataas na halaga ng mga palay sa pandaigdigang pamilihan.

Una nang sinabi ni Agriculture officer-in-charge for operations Undersecretary Roger Navarro na hindi bababa sa 495,000 MT ng imported na bigas mula Taiwan at India ang darating simula ngayong buwan hanggang Pebrero bilang paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño sa produksyon ng palay.