-- Advertisements --

Nasa kabuuang 19,373 katao ang iniulat ng National Disaster Risk Reduction Management Council na apektado ng pananalasa ng bagyong Aghon.

Batay sa inilabas na situational report ng ahensya, mula sa naturang bilang ay nasa kabuuang 8,465 na pamilya mula sa 158 barangay ang sinalanta ng nasabing bagyo sa Luzon at Visayas.

Habang lumalabas din sa naturang ulat na ang Bicol Region ang nakapagtala ng pinakamaraming bilang ng mga apektado indibidwal na pumalo pa sa 10,349 kung saan pito sa mga ito ang nagtamo ng injury nang dahil sa bagyo.

Kaugnay nito, tinatayang aabot naman sa 5,343 katao ang nawalan ng tirahan, habang nasa 2,162 naman sa mga ito ang kasalukuyang nanunuluyan sa mga evacuation center, at nasa 3,181 naman ang pansamantalang nakikitira sa kanilang mga kaibigan at kaanak.

Samantala, sa ngayon ay wala pang natatanggap na mga ulat ng nasawi, nawawala, o pinsala sa agrikultura at imprastraktura ang NDRRMC kaugnay sa pananasala ng Bagyong Aghon sa bansa.

Habang nakapagpaabot na rin ang pamahalaan ng ng nasa mahigit Php1.2-million food packs para sa mga apektadong pamilya ng naturang kalamidad.