CENTRAL MINDANAO – Aabot sa mahigit 1,000 pamilya ang naapektuhan ng pagbaha sa mga sitio ng Brgy. Kayaga, Kabacan, Cotabato.
Ayon kay MDRRMO David Don Saure, bahagyang tumaas ang lebel ng tubig sa buong magdamag dala rin ng walang tigil na buhos ng ulan sa mga nagdaang araw.
Agad namang nagtungo ang MDRRMO sa bayan upang maghatid ng agarang tulong at pag-rescue.
Mabilis namang inatasang ni Kabacan Mayor Evangeline Pascua-Guzman ang Municipal Social Welfare and Development Office na maghanda ng mainit na pagkain na agad na maipamahagi sa apektadong pamilya.
Inihahanda na rin ng LGU ang mga ipapamahaging ayuda sa mga pamilya.
Sa kasalukuyan, paunti-unting humuhupa ang tubig-baha na kung saan patuloy ang koordinasyon ng LGU sa mga barangay ng Cuyapon, Kilagasan, Magatos na posibleng maapektuhan at ang mga kalapit na lalawigan tulad ng Bukidnon.