Nanganganib ang mahigit isang milyong mga baboy sa probinsya ng Batangas kasunod ng pinangangambahan pang pagkalat ng African Swine Fever(ASF) sa naturang probinsya.
Ayon kay Department of Agriculture(DA) spokesman Assistant Secretary Arnel de Mesa, lalo pang hinigpitan ang pagbabantay sa naturang probinsya kasabay ng patuloy na pagdami ng mga bayan at syudad na nakikitaan ng mga bagong kaso.
Lahat aniya ng mga apektadong baboy ay kailangan nang ma-dispose kaagad upang mapigilan ang lalo pang pagkalat ng virus.
Sa kasalukuyan, walong mga bayan at syudad na ang nakitaan ng bagong kaso ng ASF habang dalawang lugar na rin ang nagdeklara ng State of Calamity.
Nakikipag-tulungan na aniya ang DA sa provincial government at mga municipal veterinarian para makontrol ang pagkalat ng sakit, habang naglatag na rin ng mas mahigpit na checkpoint sa mga boundary upang mapigilan ang paglabas ng mga baboy, karne ng baboy, at iba pang pork products.
Sa kasalukuyan, umaabot sa 11 rehiyon at 22 province ang nananatiling apektado ng ASF sa buong bansa. Ito ay binubuo ng 65 munisipalidad.
Ang Batangas ay bahagi ng CALABARZON Region na isa sa mga pangunahing producer ng baboy sa buong bansa.
Una nang hinimok ng grupong Pork Producers Federation of the Philippines (PPFP) si PBBM na magdeklara ng national state of calamity sa gitna ng pagkalat ng African swine fever (ASF).