Inaasahang dadagsa ang mahigit 2.2 million pasahero sa mga terminal sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa kasagsagan ng holiday season.
Sa isang statement ngayong Sabado, sinabi ng New NAIA Infra Corp. (NNIC) na nasa 2.296 million pasahero ang inaasahan mula Disyembre 20, 2024 hanggang Enero 3, 2025 na nagpapakita ng 10.95% na pagtaas kumpara sa parehong period noong 2023.
Inaasahan din na malagpasan ang bilang ng mga pasahero at flights na naitala noong Undas at sa parehong period noong 2023.
Bilang tugon, sinabi ng kompaniya na naghahanda na sila sa pagdagsa ng mga pasahero sa airport terminals sa pamamagitan ng pagpapatupad ng measures gaya ng pagpapataas ng kanilang staff, pagpapalawig ng terminal operations at pagpapahusay pa ng security protocols.
Nakipag-ugnayan na rin ito sa iba pang mga concerned government agencies.
Inabisuhan naman ang mga pasahero na sundin ang baggage instructions at restrictions para sa mas mabilis na security screening at dumating ng mas maaga bago ang flight upang maiwasan ang anumang aberya.