Napa-deport na ng gobyerno ng Pilipinas ang mahigit 2,300 dayuhan na nagtrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na ipinasara ng mga awtoridad.
Ayon kay Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) chief Undersercretary Gilbert Cruz, karamihan sa mga dayuhang pina-deport ay China ang pinagmulang bansa.
Habang ilan sa mga pina-deport ay sa Indonesia, Malaysia at Vietnam
Ang pagpapa-deport sa nasabing mga banyaga ay parte ng mga pagsisikap para sa pagpapatupad ng POGO ban sa buong Pilipinas gaya ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pagpapasara sa lahat ng POGO hanggang sa katapusan ng taon.
Sa kabila nito, hamon ngayon sa pamahalaan ang pagsibol ng tinatawag na rogue POGOs o mga pasaway na POGO na patuloy pa rin ang operasyon sa kabila ng nationwide ban.
Ayon sa PAOCC chief, aabot sa 200 rogue POGOs ang nananatiling nag-ooperate sa buong bansa .
Samantala, mayroon na lamang hanggang sa Disyembre 15 ang bisa ng lisensiya ng mga POGO sa bansa kung saan pagsapit ng katapusan ng Disyembre, kanselado na ang mga ito at dapat na napasara na ang lahat ng POGO sa bansa.