Kasalukuyan ng pinoproseso ng National Amnesty Commission (NAC) ang kabuuang 2,424 na aplikasyon para sa amnestiya ng mga dating rebelde.
Ito ay isang taon mula ng simulan ng gobyerno ang pagtanggap ng mga request para sa pag-abswelto sa kanila mula sa kanilang criminal liabilities sa nakalipas na political offenses.
Sa datos ng komisyon nitong Marso 7, nasa 1,546 aplikasyon na ang kanilang natanggap mula sa dating mga miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF); 518 mula sa Moro Islamic Liberation Front (MILF); 297 mula sa Moro National Liberation Front (MNLF); at 63 mula sa Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade.
Ang pinakamataas na bilang ng aplikasyong naitala ng komisyon sa loob ng isang araw ay ang 127 na aplikasyon mula sa MILF at MNLF sa kasagsagsan ng Inter-Cabinet Cluster Mechanism on Normalization na in-organisa ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) noong Pebrero 26.
Sa isang pahayag ngayong Sabado, sinabi ng komisyon na isang testamento ang development na ito ng malakas na pagtugon sa amnesty program ng gobyerno na natanggap mula sa mga indibidwal na nais na magawaran ng amnestiya.
Samantala, bukas pa rin ang aplikasyon para sa mga dating miyembro ng Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas, MILF at MNLF hanggang sa Marso 4, 2026 habang ng mga dating miyembro naman ng CPP-NPA-NDF o kanilang front organizations ay maaaring magsumite ng aplikasyon hanggang sa Marso 13 ng susunod na taon.