Na-stranded ang nasa mahigit 2,400 pasahero sa mga pantalan sa Pilipinas matapos kanselahin ang ilang biyahe sa dagat dahil sa epekto ng bagyong Enteng.
Base sa pinakahuling ulat ng PCG Command Center kaninang 4AM, nakapagtala na ng kabuuang 2,413 pasahero, truck drivers at cargo helpers na na-stranded sa Southern Tagalog, Bicol at Eastern Visayas.
Pansamantalang natigil din ang biyahe ng 39 na barko, 610 rolling cargoes at 4 na motorbancas habang 15 barko at 28 motorbancas ang nakikisilong pansamantala sa ibang mga pantalan.
Samantala, sa isang statement sinabi ng PCG na nakaantabay ang kanilang deployable response group at quick response team sa iba’t ibang Coast Guard District sa pagtulong sa mga ahensiya na nangunguna sa rescue operation at evacuation.
Naghahanda na rin ang mga miyembro ng PCG Auxiliary para agarang makapamahagi ng relief supplies at iba pang pangangailangan ng mga apektadong pamilya sa mga lugar na apektado sa kasagsagan ng sama ng panahon.
Nakabantay din ang PCG sa operasyon ng mga sasakyang pandagat 24/7 para maiwasan ang anumang insidente sa karagatan.
Sa ilang parte ng bansa partikular na sa Northern Samar, iniulat ng PCG na nitong Linggo, halos 40 residente doon ang inilikas ng Coast Guard rescuers kasunod ng naranasang pagbaha sa Barangay Sabang II at Barangay Jubasan.