-- Advertisements --

LAOAG CITY – Mahigit dalawang libong katao ang naaresto dahil sa mga kilos-protesta sa iba’t ibang unibersidad sa buong Estados Unidos ng Amerika.

Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Laoag kay Bombo International News Correspondent na si Ray Villanueva mula sa California, alas-3 ng umaga ngayon, mahigpit na hinarang ng Los Angeles Police District, University of California Los Angeles at California Highway Patrol ang mga Palestinian demonstrators sa University of California Los Angeles kung saan mahigit sa dalawang daan sa kanila ang naaresto.

Gumamit aniya ang mga pulis ng pepper spray, tear gas, fire on the air at sapilitang pagposas sa humigit-kumulang 500 nagprotesta.

Ipinaliwanag niya na bagama’t umalis sila ng alas-6 ng umaga ay nagbanta silang babalik sa University of California Los Angeles upang ipagpatuloy ang protesta hanggang sa kumilos ang unibersidad at ang White House.

Sinabi niya na ang mga Palestinian demonstrators ay sumisigaw para sa isang tigil-putukan sa pagitan ng Israel at Palestine sa Gaza kung saan naniniwala sila na ang Estados Unidos ang pangunahing tagasuporta at tagapagtustos ng mga armas sa Israel.

Kaugnay nito, ibinunyag niya na kanselado na ang mga klase simula ngayong araw sa buong University of California Los Angeles at hindi na matutuloy ang Commencement Exercises na sana ay magsisimula sa Mayo 5.

Sa kasalukuyan, lahat ng pasukan sa paaralan ay sarado kung saan ang mga mag-aaral, guro, sibilyan kabilang ang mga miyembro ng Media ay mahigpit na ipinagbabawal na makapasok.