Muling nakatanggap ang Pilipinas ng mahigit dalawang milyong doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccine na nanggaling sa COVAX facility ng World Health Organization (WHO).
Ayon sa National Task Force Against COVID-19 na mayroong kabuuang 2,028,000 doses na AstraZeneca vaccine ang dumating sa NAIA Terminal 3 pasado alas-kuwatro ng hapon nitong Biyernes.
Ang nasabing pagdating nito ay isang araw matapos na dumating din sa bansa ang mahigit 1.1 milyon doses ng AstraZeneca na donasyon ng gobyerno ng Japan.
Pinangunahan nina vaccine czar Carlito Galvez Jr, Department of Health (DOH) Undersecretary Ma. Carolina Vidal-Taino, UNICEF Representative to the Philippines Oyunsaikhan Dendevnorov, USAID Mission Director Sean Callahan at World Health Organization Representative to the Philippines Dr. Rabindra Abeyasinghe ang pagtanggap sa pinakahuling COVID-19 vaccine mula sa kompaniyang AstraZeneca.
Sa kabuuan ay mayroong 5,708,100 doses na ng AstraZeneca ang natanggap na ng bansa kung saan 1,124,100 doses ay donasyon mula sa gobyerno ng Japan habang 4,584,000 doses naman ay nagmula sa COVAX facility.
Mayroon namang karagdagang 132,200 doses ng Sputnik V vaccine na binili ng gobyerno ang nakarating na sa bansa.
Ito na ang pang-apat na batch ng Sputnik V vaccine na dumating sa bansa.
Sa pinakahuling bilang ay gagamitin ang mahigit 82,000 doses sa first dose habang 50,000 para sa mga second dose.
Target ng Pilipinas na mabakunahan ang nasa 58 milyong populasyon ng bansa o 70 porsiyento sa kabuuang populasyon ng bansa hanggang sa katapusan ng taon para makamit ang herd immunity.