Ibinida ng Commission on Elections na umabot na sa mahigit dalawang milyong mga Pilipino ang nagparehistro na bilang mga botante para sa May 2025 midterm elections.
Sa pinakahuling datos na inilabas ng komisyon, mula noong Pebrero 12 hanggang Abril 16 ng taong kasalukuyan ay pumalo na sa 2,082,744 ang bilang ng mga voter applications ang kanilang naitala sa gaganaping halalan sa susunod na taon.
Nanguna ang Calabarzon sa mayroong pinakamaraming mga naitalang aplikante na mayroong 386,256; sinundan ito ng National Capital Region na mayroong 312,865 voter registrants; Central Luzon na nakapagtala ng 151,880 na mga bagong botante.
Samantala, ang rehiyon naman ng Cordillera Administrative Region ang nakapagtala ng pinakamalalang bilang ng mga voter registrants na nasa 24,390; sinundan ng MIMAROPA na mayroong 51,485; at 56,512 ang naitala sa Caraga.
Kung maalala, una nang inihayag ng Comelec na target nitong makapagtala ng hanggang tatlong milyong mga bagong botante sa loob ng pitong buwang registration period na magtatagal naman hanggang Setyembre 30, 2024.