Posibleng aabot sa dalawang milyon mga mamamayan ng Toronto ang magtitipon-tipon sa kalsada kung saan isasagawa ang victory parade ng 2019 NBA champion na Toronto Raptors.
Ayon sa head community affairs ng event na si Mike Barlett, na mayroong mahigit apat na kilometro ang rota ng motorcade na magsisimula mula Exhibition Place’s Princes’ Gates at magtatapos sa Nathan Phillips Square.
Sasakay ang mga manlalaro sa double-decker buses kasama ang Larry O’Brien trophy.
Hindi naman nito binanggit ang iba pang mga detalye basta natitiyak niya na may mga ilang surpresa silang asahan.
Hinikayat din nito ang mga dadalo sa motorcade na magsuot ng mga kakulay na jersey ng koponan maging bago man o luma ito.
Idineklara naman ni Toronto Mayor John Troy ngayong araw bilang “We The North” day bilang pagpupugay sa tagumpay ng Raptors.
Patuloy ang panawagan nito sa kaniyang mga mamamayan na ipakita ang kanilang suporta at pagmamahal sa koponan.