-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Naharang ng pamahalaang Lunsod ng Ilagan ang 23 Chinese nationals at anim na pilipino lulan ng tatlong van sa boundary ng lungsod ng Ilagan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni G. Ricky Laggui, Focal Person ng City Interagency Task Force na nauna na silang nakatanggap ng mga impormasyon na mayroong mga Chinese nationals sa Lunsod ng Ilagan kayat lalo nilang hinigpitan ang kanilang mga chekcpoints sa kanilang boundary.

Hinanapan ng mga travel documents ang mga Chinese nationals at mga kasamang pinoy dito ay natuklasang peke ang kanilang ipinakitang RT-PCR result.

Sinabi pa ni G. Laggui na dalawang ospital sa Maynila ang nakasaad kung saan isinagawa ang RT-PCR test ng mga chinese nationals ngunit kaansin pansin na mali ang sequencing ng number ng RT-PCR test result ng mga ito .

Karamihan sa mga Chinese nationals ay mga turista batay sa mga nakasaad sa kanilang pasaporte.

Layunin ng mga Chinese nationals sa pagtungo sa Lunsod ng Ilagan na makakuha ng driver’s license na ipinagtataka ng mga opisyal ng pamahalaang Lunsod dahil ang kanilang agency ay nakabase sa Maynila at napakalayo ng Ilagan City para dito pa kumuha ng lisensiya para magmaneho.

Sa ngayon ay sinusuri na ng Bureau of Immigration Isabela ang mga papeles ng 23 Chinese national upang makakakuha ng mga karagdagang impormasyon ukol sa kanila.