-- Advertisements --
DSWD oil spill

Nagbigay ang Estados Unidos ng $20 million na halaga ng tulong para sa pagtugon sa oil spill sa Oriental Mindoro, ayon yan kay Defense officer-in-charge Carlito Galvez Jr.

Sinabi ni Galvez na ang tulong ay nagpakita ng lakas ng defense alliance ng Pilipinas at US.

Aniya, ang napapanahon at mahusay na pagtugon ng mga kaalyadong bansa sa pagbibigay ng technical at material na suporta na nagkakahalaga ng higit sa $20 milyon ay lubhang nakatulong sa pag-iwas sa epekto ng kalamidad sa baybayin na maaaring ding makaapekto sa milyun-milyong mamamayang Pilipino.

Sinabi ni Galvez na nagpakita ng suporta ang US Defense, Embassy, ​​at Navy sa pamamagitan ng deployment ng remotely-operated vehicle (ROV) na nagsagawa ng mga survey sa lumubog na motor tanker na Princess Empress.

Idinagdag niya na ang teknikal na suporta mula sa US Coast Guard at National Oceanic and Atmospheric Administration ay nakatulong din sa pagpigil sa oil spill.

Kung matatandaan, noong Marso, ang US Agency for International Development (USAID) ay nagbigay ng $183,700 o P10 million na halaga ng tulong sa probinsya para suportahan ang oil spill management at environmental assessment nito.

Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan naman nito sa World Food Program, sinuportahan din ng ahensya ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng Pilipinas sa pagdadala ng 20,000 food packs para sa mga apektadong pamilya sa Oriental Mindoro.