Nag-rally ang mahigit 200 advocates para ipanawagan na ideklara bilang West Philippine Sea Day ang Hulyo 12.
Ito ay kasabay ng pag-marka ng ika-8 anibersaryo ng makasaysayang panalo ng Pilipinas sa 2016 arbitration award na nag-basura sa 9 dash line claim ng China sa disputed waters saklaw ang West Philippine Sea.
Inorganisa ng Atin Ito coalition, na nanguna noon ng civilian missions sa WPS, ang naturang event ngayong araw sa Boy Scouts Circle sa Quezon city.
Hawak ng mga advocate ang malalaking banner, bandila ng Pilipinas at United Nations gayundin ang mga poster na nagpapahayag ng kanilang panawagan.
Binigyang diin ni Akbayan president Rafaela David, ang Atin Ito co-convenor, na ang pagdedeklara sa Hulyo 12 bilang WPS day ay magtataas sa kamalayan kaugnay sa kahalagahan ng makasaysayang panalo ng bansa laban sa China.
Saad pa ni David na 8 taon na ang nakakalipas mula ng manalo ang bansa sa international court at sa pamamagitan aniya ng pagdedeklara sa Hulyo 12 ng bawat taon bilang WPS Day, mapapalakas nito ang kolektibong alaala ng ating mga kababayang Pilipino at ang consequences nito ay nakakaapekto sa ating ekonomiya, pambansang seguridad at buhay ng mga tao na nakadepende ang kabuhayan sa WPS.
Matatandaan na nauna ng inihain ni Akbayan Senator Risa Hontiveros noong nakalipas na taon ang isang resolution na nananawagan para sa annual declaration ng July 12 bilang National WPS Victory Day.
Sa naturang resolution, nakasaad na sa pamamagitan ng pag-alala sa ruling ng The Hague Permanent Court of Arbitration ay mapapahina ang mga walang basehang claims ng China sa ating sariling mga teritoryo.